Home

Una kong naka-engkwentro si Carmen “Nanay Mameng” Deunida noong panahon ng kampanya para sa pagbibitiw ni dating Pangulong Joseph Estrada. Kasagsagan noon ng mga rali na pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan at Estrada Resign Movement. Sa isa sa mga raling iyon, tinawag sa entablado para magsalita ang isang kinatawan ng mga maralitang lungsod, ang tagapangulo noon ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), si Nanay Mameng. 

Ang umakyat sa stage ay isang may idad nang babae, maliit, payat, at sa biglang tingin ay para bang liliparin ng hangin sa nipis ng kanyang katawan. Pero nung siya ay nagsalita, daig ang bagyo sa lakas ng dating. Tumahimik ang lahat at nakinig. At nang namutawi sa kaniyang bibig ang mga salitang “tunggak, inutil” at “gago” para isalarawan si Pangulong Estrada, ang lahat ay pumalakpak at humiyaw sa pagsang-ayon. 

Tandang-tanda ko pa ang kaniyang babala kay Estrada: “Kung ayaw mong bumaba sa Malakanyang, hahaltakin ka namin pababa.!” Kaya ayun, napilitang bumaba si Erap.

Mula noon, si Nanay Mameng na ang naging paboritong speaker sa lahat ng rally kahit nang matanggal na si Estrada, nung pinapatalsik natin si Gloria, hanggang sa siya ay mag-retire na lang sa pagsasalita sa rally.

Iba talaga ang magic ni Nanay Mameng. Hindi lang ang mga mahihirap sa Tondo at Leveriza ang humanga at nagmahal sa kaniya. Pati ang mga matrona ng Forbes Park at Dasmariñas ay bilib na bilib sa kanya, Saan ka nga naman nakakita ng isang maralita na nagmumura ng “sinverguenza!” na parang aristokrata sa isang pelikulang sinauna?

Sa katunayan, ang charm ni Nanay Mameng ay hindi lang sa paggamit niya ng kakaibang lenguahe, o ang hagod ng kaniyang boses na sumasalamin sa lalim ng kaniyang damdamin at hirap ng buhay na kaniyang pinagdaanan. Ang kakaiba sa kaniya ay ang katotohanang namumutawi sa kanyang mga salita. Katotohanang nakabatay sa napakayaman niyang karanasan sa buhay, mula panahon ng gera hanggang panahon ng internet. Katotohanan ng isang maralitang nagtiis at nagsumikap ng husto sa buhay subalit dahil sa bulok na sistema ng ating lipunang malakolonyal at malapyudal ay hindi makaahon-ahon sa hirap. Ito ang katotohanan ni Nanay Mameng. Katotohanan ng karamihan ng maralitang Pilipino.

Pero hindi nagpatali d’yan si Nanay Mameng. Sinikap niyang lampasan ang mga limitasyon ng kaniyang uri, kasarian at kalagayan sa buhay. Sa isip at sa gawa, isa siyang babaeng mapagpalaya. Pinalaya niya hindi lang ang kaniyang sarili kundi ang iba pa sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga naghahari-harian sa ating bayan.

Pinalaya ni Nanay Mameng ang kanyang mga kapatid sa gutom sa panahon ng pagsakop ng mga Hapon sa Maynila, kung saan matagal na nagkahiwalay silang magkakapatid sa kanilang mga magulang.

Pinalaya niya ang mga paslit sa komunidad mula sa kamangmangan sa pamamagitan ng kaniyang pagtu-tutor sa binansagan ng mga kapitbahay na Mameng Elementary School. 

Pinalaya niya ang kanyang sarili sa isang marahas at mapagsamantalang relasyon mag-asawa. Bilang lider ng Samahan ng Kababaihang Maralitang Nagkakasia (SAMAKANA), pinalaya niya ang iba pang kababaihan na nasa parehong kalagayan ng kahirapan at karahasan sa pamamahay. Bilang lider ng Kadamay, pinalaya niya ang kaniyang komunidad at iba pang maralitang komunidad sa banta ng demolisyon at pagkakait sa karapatan sa pabahay at serbisyong panlipunan. At bilang isang aktibista ng kung ilang dekada, pinalaya niya ang buong bayan sa mga bulok na pamamahala ng rehimeng Marcos, Estrada at iba pa.

Ang tanong siguro ng iba, napalaya ni Nanay Mameng ang sarili niya sa maraming bagay. Pero bakit hindi siya nakalaya sa kahirapan? Sa totoo lang, siguro kung ginusto ni Nanay Mameng, pwede siyang yumaman. Kung katulad ng ibang mga lider dyan ay nagbenta siya ng kanyang prinsipyo, kung ipinagkanulo niya ang interes ng kaniyang mga kasamahan, kung nagpagamit siya sa mga pulitiko, negosyante at mga sindikato, siguro’y matagal nang yumaman si Nanay Mameng. Pero hindi siya ganung tao. Hindi yun ang itinuro sa kaniya ng kanyang mga magulang. Hindi ito ang natutunan niya bilang isang aktibista. 

Simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Maglingkod sa masa, buhay man ay ialay. Yan ang makulay at makabuluhang buhay na pinili ni Nanay Mameng. 

Ang buhay ng paglilingkod sa kaniyang pamilya, sa kaniyang komunidad at sa kaniyang bayang minamahal – ay huwaran at inspirasyon para sa marami nating kababayang nasa kapareho niyang kalagayan, o mga kababayan nating katulad niyang nais ding maglingkod sa kapwa.

Maraming salamat at pinakamataas na pagpugay Nanay Mameng sa buhay na iyong ibinagay sa amin. At maraming salamat sa kaniyang pamilya na hindi pinagdamutan ang bayan sa kaisa-isa at pinakamamahal naming si Nanay Mameng.

(Larawan kuha ni J. Ellao, Bulatlat.com)

Leave a comment