Home

Dear Noynyoy,

Dahil alam kong mas pinakikinggan mo ang mga kaibigan mo, susulatan kita bilang isang kaibigan. Tutal, isang termino tayong classmate sa Congress at minsan na ring naka-duet sa videoke sa isang Christmas party. Alam mo namang wala akong personal na galit sa iyo kayat sana’y mabasa mo ito sa diwa ng aking pagkakasulat bilang isang nagmamalasakit ngunit prangkang kakilala at kababayan.

Pare, gusto kong malaman mo na galit ang tao sa iyo dahil ayaw mong tanggapin ang pagkakamali mo sa nangyari sa Mamasapano. Oo, sinabi mong pinapanagutan mo at dadalhin mo hanggang sa hukay mo ang kapahamakang ito. Pero hindi mo naman kasi nililinaw kung ano ang tinatanggap mong kasalanan. Hindi uubra yung generic. Tapos ngayon ang sasabihin mo ang pagkakamali mo lang ay nagpaniwala ka sa mga boladas ni Purisima at Napenas.

Unang-una pare, bakit mo kasi binigyan ng papel yung ugok mong kaibigan na si Purisima, eh alam mo namang suspendido. Tapos lahat ng utos mo, sa kanya mo pa pinadaan. Tingin mo ba’y maniniwala si Gen. Espina o si Gen. Catapang dun, eh suspendido na nga yung tao? Paano magko-coordinate sa AFP si Napenas, eh wala siyang poder para mandohan ang taga AFP? Dapat, pare, ikaw ang nagsabi kay Espina at Catapang. Idamay mo na rin si Mar kasi kawawa naman. Kung sinabihan mo si Espina at Catapang, obligado na rin si Napenas na mag-coordinate kahit ano pang sabihin sa kaniya ng gago mong kaibigan. One phone call away mo lang naman lahat yan. Bakit, ganun ka ba ka-busy? Ganito lang yun, oh: “Hoy, kausap ko si Espina ngayon. May operation siyang importante. Mag-usap kayo para mag-coordinate. Bahala na kayo.” Eh di tapos.

Ang problema mo pa, magkakasama na kayong lahat dun sa Zamboanga habang ina-update ka ni Purisima tungkol sa labanan at may text din si Mar na fino-forward sa iyo. Malamang alam na rin ni Catapang ang nangyayari. PERO HINDI MAN LANG KAYO NAG-USAP! Inuna mo pa ang mga photo-op mo kaysa asikasuhin ang krisis. Bakit, wala ba sa iskedyul mo?

Eh kung maaga pa lang miniting mo na si Mar, si Volts, si Catapang, si Espina at kung sino pa para pag-usapan ang nangyayari sa Mamasapano, malalaman ninyo ang tunay na sitwasyon at makakakilos kayo agad. Baka yung helicopter na kasama sa entourage mo napadala mo agad para makatulong sa bakbakan. Baka nasabihan ninyo si Gen. Pangilinan na gamitin ang kanyon. Eh hindi, eh. Pa-picture picture ka pa habang nagpapatayan ang mga tropa at rebelde.

Kaya ang BOI at Senate report ikaw ang itinuturong may pananagutan. Kasi inaprubahan mo yung palpak na plano. Tapos pinaubaya mo sa suspendidong barkada mo. At nung sumabit, wala kang ginawa. Tapos ngayon ang sisisihin mo si Purisima.

Hindi bawal magbarkada, pare. Lalo pa ikaw, binata ka. Pero ibahin mo ang kabarkada at kabarilan sa katrabaho. May mga prosesong sinusunod, mga patakarang ipinapatupad at hindi porke’t kaibigan mo ay lusot sila. Yan ang problema pag nagiging barkadahan ang gobyerno – hindi na nasusunod ang dapat dahil sa pagkakaibigan.

Last na lang. Bakit kasi nagpagamit ka nanaman sa mga Kano? Eh sila pala ang may pakana nitong lahat. Kanila ang intelligence packet, sila ang nag-training sa mga SAF, sila ang may real-time intel habang nagaganap ang operasyon. Anim nga sa kanila ang nasa tactical command post. Ang lumalabas, pinambala sa kanyon ang mga SAF at ginawang collateral damage ang mga rebelde pati ang peace process para makuha ang target nilang si Marwan. Bakit mo hinayaan ito? O sasabihin mo bang ulit na binola ka ni Napenas at sinikreto ang papel ng mga Kano? That’s too much.

Ngayon humihingi ka ng pag-unawa dahil nabola ka ni Purisima. Pare, hindi ko alam kung talagang hindi mo ma-gets o saksakan ka lang ng sinungaling. PERO HINDI IKAW ANG BIKTIMA RITO! In the first place, hindi ka mabobola o masusuway ni Purisima kung hindi mo inuna ang pagiging magbarkada ninyo at sinunod ang batas at tamang patakaran.

The next time na magsasalita ka tungkol sa Mamasapano, isipin mo ang mga sinulat ko. Baka makatulong. Mapakita mo namang nauunawaan mo ang sentimyento ng karaniwang tao. Kung ayaw mong mag-sorry, nasa sa iyo yun. Pero huwag mo naman kaming gawing tanga.

Lubos na gumagalang pa rin,

Teddy

3 thoughts on “Liham kay Pareng Noynoy

  1. Pingback: Liham kay Pareng Noynoy | The Four-eyed Journal

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s